May 11, ay nag-last taping day ang Asia's Songbird na si Regine Velasquez para sa kantaseryeng Diva bago siya umalis papuntang Canada at U.S. for her concert tour with boyfriend Ogie Alcasid, Dingdong Dantes, and Marian Rivera. Ngayong gabi, May 12, at 10 p.m., ang flight ng apat paalis ng bansa.
May benda pa ang mukha ni Regine nang makausap siya ng PEP (Philippine Entertainment Portal) at iba pang entertainment press. Sa istorya kasi ng Diva ay inoperahan ang mukha ni Sam (Regine) para gumanda siiya.
Kuwento ng Asia's Songbird, "Hanggang tomorrow morning pa kami magte-taping kaya may ample time lang ako para mag-impake ng gamit at damit para sa concert. Ang nakakaloka, pagdating namin ng Toronto, Canada, sa May 14, may time lang kami for our rehearsal at sa gabi, concert na namin! Kaya ngarag talaga ang lola ninyo!"
THE SONGBIRD COLLAPSES
Muling naungkat ang tungkol sa pag-collapse niya sa taping ng Diva two weeks ago na naging dahilan para ma-confine siya sa hospital. Ano ba talaga ang nangyari, bakit siya nag-collapse? Ang sabi kasi, bumaba ang potassium level ng katawan niya.
"Kumakain naman ako ng saging at palainom naman ako ng tubig, pero siguro, sa sunud-sunod na trabaho na rin," sabi ni Regine. "Dahil paalis nga ako, kailangang mag-daily taping kami six days a week para may maiwanan akong episodes na ipalalabas habang wala ako.
"Hindi biro 'yong mag-start akong mag-taping ng 10 a.m. hanggang 3 or 4 a.m. the next day. May cut-off ako ng 12 midnight, pero dahil nagmamadali nga kami, okey lang sa akin 'yon na tuluy-tuloy ang taping. Kaya uuwi lang ako at magre-rest ng ilang oras, tapos balik-taping na naman ako ng 10 a.m. Bale ang pahinga ko lang Sunday. Pag-uwi ko, matutulog na ako at gigising na lang ako ng Monday morning para mag-report na ulit sa taping.
"That day na nag-collapse ako," patuloy ng singer-actress, "sobra ang init sa set. Umabot daw yata ng 42 degrees ang temperature. Mabuti na lang naglalakad kami ni Direk Dom [Dominic Zapata] papunta sa set, hawak niya ako sa kamay, nang wala na akong naramdaman, nag-blackout na ako!
"Hindi ko sana pinapansin ang sakit ng ulo na nararamdaman ko that day. Kaya lang, twice na akong uminom ng gamot sa migraine ko, hindi pa nawawala [yung sakit]. 'Yun pala, iba ang cause ng pagku-collapse ko. Mabuti na lang at nang mag-collapse ako, maganda na ako as Melody. Biro mo kung nag-collapse ako na si Sam na pangit, baka walang tumulong sa akin!"
Dagdag niya, "Sa hospital, a lot of tests ang ginawa sa akin, bumaba pala nang husto ang potassium ko. At kahit inom ako nang inom ng tubig, kapag nag-CR ako, lumalabas din yung nutrients sa katawan ko. Kaya kailangan nila akong saksakan ng potassium through dextrose, ang sakit! Kaya naman kahit gusto ng doctor ko na mag-stay pa ako ng another three days, hindi na ako pumayag."
Napagalitan ba siya ni Ogie?
"No, hindi na niya ako pinagalitan. Inalagaan na lang niya ako!" natatawang wika ni Regine. "Dapat nga ay a-attend pa ako ng Golden Screen Awards para kumanta ng nominated theme songs, pero hindi na ako pinayagan ni Ogie. Magpahinga na lang daw ako."
JAYSON'S OPERATION
Since aalis si Regine at seven weeks na mawawala, paano na ang pag-oopera kay Jayson, ang bingot na kasama nila sa Diva?
"Gusto ko lang linawin na project ng Diva ang pagpapaopera kay Jayson," pauna ni Regine. "Napagkaisahan ng staff na magtutulong-tulong kami dahil naaawa kami sa bata at gusto namin siyang tulungan. May pediatrician na nag-aasikaso na kay Jayson at habang wala ako, si Camille [Gomba-Montano, program manager ng Diva] ang mag-aasikaso sa kanya hanggang sa maoperahan siya."
Laging may special guest sa Diva. Like sa taping nila kahapon, ang guest ay ang SexBomb girl na si Rochelle Pangilinan. Sa pag-e-end ng kantaserye, sino pa ang mga gusto niyang malaking artista na magiging final guest?
"Sana si Cyndi Lauper!" biro ni Regine. "Gusto ko sana si Richard Gutierrez. Pumayag na si Tita Annabelle [Rama, Richard's mother ang manager], kaya lang puno na ang schedules ni Richard. Ewan lang kung makakasingit kami."
DIREK LOUIE'S RESIGNATION. Nilinaw na rin ng PEP kay Regine ang issue tungkol sa pagre-resign ni Direk Louie Ignacio sa Party Pilipinas dahil nahihirapan ito na may mga ayaw raw mag-rehearse sa show. May nagsabing si Regine daw ang tinutukoy ni Direk Louie, pero ipinagtanggol ni Ogie ang kasintahan.
"I was not really thinking na ako 'yon kasi nagre-rehearse naman ako kahit pa ngarag ako kung galing ako sa taping," sabi ni Regine. "Kahit hindi ko gusto ang song na ipinakakanta nila sa akin, sumusunod lang ako sa kanila. Hindi naman ako masyadong involved sa show, basta pumupunta lang ako doon para kumanta. Si Ogie ang creative director ng show.
"Pero noong nag-resign si Louie, wala na ako sa show. Two Sundays na akong hindi nakakapag-join dahil nga sa taping ng Diva kaya hindi ko alam kung saan nanggaling ang issue na 'yon. Si Ogie nga, pinigilan ko nang mag-comment. Pero alam naman ninyo 'yon, kapag ako na ang napag-usapan, mapagpatol 'yon! Hindi pa nga lang kami nakapag-uusap ni Direk Louie dahil umalis pala siya at naospital nga ako."
Ayon pa kay Regine, "Mas involved ako sa conceptualization ng Diva, lalo na sa musical part nito. Pero may music researcher ako, si George Sibal. Hindi ko na nabitawan dahil nakikita ko na nagugustuhan ng viewers ang show at, 'yon nga, kanta ako nang kanta sa mga eksena. Pero may approval ng writer ang songs na ginagamit namin. Kapag nakapili na kami, ibabato namin 'yon sa kanila, kapag okey at nakakuha kami ng rights sa song, isasama na nila sa script."
THE SONGBIRD'S RETURN
Pagbalik nina Regine sa June 8 mula sa kanilang concert tour ay marami pa ring naghihintay na trabaho para sa kanya.
Tatapusin na raw ni Regine ang taping ng Diva at ang pelikula nila ni Aga Muhlach sa Viva Films.
Gagawa rin siya ng indie film, Mrs. Recto, na isinulat at ididirek ni Dante Nico Garcia (Ploning).
"After ng shooting, magre-rest na ako kasi magbi-birthday na rin si Ogie sa August. Baka umalis kami. I'm also trying to do another album sa Universal Records. Hinihintay na nila ako. Mabuti na lang mababait sila, naiintindihan nila ang busy schedules ko," pahayag ni Regine.
Phil. Entertainment Portal, May 12, 2010
by Nora V. Calderon