Friday, September 9, 2011

Toni Gonzaga, Dreams of having Regine Velasquez in her concert at the Araneta Coliseum.

Kung gusto mong umiyak/humagulgol si Toni Gonzaga sa concert niyang Toni @ 10 sa September 30 sa Araneta Coliseum, pasiputin mo si Regine Velasquez. Aminado si Toni na si Regine ang pinaka-idol niyang singer-aktres sa Pilipinas.

Kuwento ni Toni, kinalakihan na niya ang mga kanta ni Regine, at hanggang ngayon daw ay patuloy pa rin niyang pinakikinggan ang mga kanta ng misis ni Ogie Alcasid.

Hinding-hindi malilimutan ni Toni ang unang pagkakataon na nakaharap niya si Regine. Nasa Eat Bulaga pa raw siya noon bilang isa sa mga host, at nag-guest si Regine.

Binati raw ni Regine ang lahat ng mga host sa Eat Bulaga, at kinumusta raw siya nito, kahit hindi pa sila magkakilala. Sa sobrang tuwa raw, natulala lang siya sa harap ni Regine, at hindi talaga siya makakibo.

Naramdaman na lang daw niya na tumutulo ang mga luha mula sa kanyang mga mata.

“Hindi talaga ako makakibo sa harap niya. Hindi rin ako makatingin. Sabi ko, baka isipin niya na napakasuplada ko, eh, kabagu-bago ko pa lang. Pero sa totoo lang, wala talaga akong masabi.

“Kunyari, pinupunasan ko na lang `yung mga mata ko na parang napupuwing ako. Pero ang totoo, umiiyak talaga ako,” kuwento ni Toni, na parang maluha-luha pa habang nagkukuwento tungkol kay Regine.

Nanghihinayang nga si Toni dahil malaki na ang tiyan ni Regine, at medyo malabo na itong makapag-guest sa concert niya.

“Sayang talaga. Pero, sana nga maka-duet ko siya. Sabi naman nila, marami pa silang surpresa sa akin.

Ayaw pa nilang sabihin kung sinu-sino,” saad pa ni Toni.

Well, hindi pa naman nanganganak si Regine, at malay natin, bigla na lang itong sumulpot sa concert niya sa Sept. 30. Eh, si Regine pa, na napakadaling imbitahan sa mga ganitong importanteng okasyon.

Hindi ba, kahit ang laki na ng tiyan niya, nag-guest pa rin siya sa show ni Angeline Quinto kamakailan.

Anyway, guest ni Toni sa concert niya sina Piolo Pascual, John Lloyd Cruz, Vhong Navarro, Pokwang, Alex Gonzaga at Gary Valenciano.

Ang Toni @ 10 ay handog ng Star Events, Epic Entertainment, at Tag Concept, at mula sa direksiyon nina Johnny Manahan at Jimmy Antiporda.

Source! (Dondon Sermino)Abante.com


Blog Widget by LinkWithinBookmark and Share

No comments:

Post a Comment