Sa Kapuso Mo, Jessica Soho noong Sabado sa GMA 7, isang espesyal na palabas ang inihandog sa publiko ng nabanggit na programa kung saan nag-feature ito ng apat na Filipino icons na kinabibilangan nina Mang Dolphy, Manny Pacquiao, Nora Daza at si Miss Regine Velasquez.
Sa segment ng Asia's Songbird, isa sa itinanong ni Ms. Soho kay Regine ay kung ano na ang pinakamataas na note o nota sa pagkanta ang naabot na niya.
"Hindi ko alam! I don't want to know!"
Tinanong rin ni Jessica kung hindi pa ba nakakabasag ng mga chandelier o mga baso ang napakataas na boses ni Regine?
"Baso, nakabasag na ako. Oo. When I was younger, oo. I think kasi parang may frequency ka na nahi-hit then pumutok [na lang yung baso]," ang natatawang kuwento ng Songbird.
"'Through The Fire' yata yung kinakanta ko."
Matagal na raw gustong mainterbyu ni Jessica si Regine pero pakiwari raw niya ay mailap ang Songbird at hindi basta-basta nagpapainterbyu kung walang isyu o kung walang ipo-promote na programa, kanta o pelikula.
"There's a very public Regine and I know there's a very private Regine. Ang hirap mo kayang interbyuhin, tama ba?" ang tanong ni Ms. Soho sa singer, actress at TV host.
"Ah, yes, I am very private, merong mga bagay na gusto ko sana na sa akin na lang.
"But since this is my work... parang expected na yan sa 'yo, e. You're in this business so you cannot share everything. The very little privacy I have, talagang I'll try to keep it na lang."
Paano ba maging isang Regine Velasquez?
"Hindi ko alam," muling tumatawang sagot ni Regine.
"Hanggang ngayon actually pagka iniisip ko, hindi ko pa rin mapagtanto-tanto yung lahat ng blessings na natanggap ko. Parang lahat ng hiningi ko kay God, parang binigay lahat sa akin yung mga pangarap ko."
TALES FROM THE FATHER. May video clip rin ang ama ni Regine na si Mang Gerry Velasquez na nagkuwento ng training ng anak.
Mula sa paglublob sa kanya sa dram o sa dagat upang patibayin ang kanyang lalamunan.
"Talagang tinrain ko siyang kumanta sa dagat almost daily. Kasi mahilig siyang mag-swimming, hindi ko muna siya pinakakanta.
"Pinababayaan ko munang mapagod siya sa paglalaro. Kasi yung training niya parang laro lang sa kanya," ani Mang Gerry.
Naikwento din ang pagsali ni Regina sa mga amateur singing contests, hanggang sa pagkakadiskubre sa kanya sa telebisyon, kung paano niya naiahon ang kanyang pamilya mula sa kahirapan, at kung paano siya naging isa sa pinakamalaking pangalan sa showbiz.
Na-imagine ba niya na one day ay magkakaroon ng reversal of fortune? Na dati ay nasa sidelines lang siya, ngayon ay siya na ang nasa limelight at kahilera na ang mga movie stars na noong araw ay kinakanta-kantahan lang niya ng mga theme songs?
"The very first time na nangyari sa akin yun parang ang weird ng feeling kasi sanay nga lang ako na kumakanta ng theme song tapos ngayon, ako na yung nandun, ako na yung papanoorin.
"Nakakanerbiyos pero nakakatuwa, masarap din yung feeling," pahayag ni Regine.
GRATEFUL TO MANY PEOPLE. Ilan sa mga pinagkakautangan raw ni Regine ng loob ay ang kanyang manager ng mahabang papahon na si Ronnie Henares, si Pilita Corrales, si Bert "Tawa" Marcelo, gayundin sina Kuh Ledesma, Pops Fernandez, Martin Nievera at Gary Valenciano.
"Kung nasaan man ako ngayon, pagka binibigyan ako ng pagkakataon na makatulong din sa ibang artists, talagang I really do my very best to help kasi parang di ba, pay it forward?
"Kasi when I was starting, a lot of people helped me out talaga," ani Regine.
Matagal ng marka ng mga Pilipinong mang-aawit ang pagbirit; para sa marami, ito kasi ang paraan ng pagpapakita ng galing sa pag-awit.
Nung sumikat si Regine, lalong tumindi ang biritan at siya ang naging sukatan at pamantayan ng husay sa pagbirit. Siya ang ginaya.
"Sometimes, I know I make a fool of myself, [but] I try it anyway. Ganun kalakas yung loob ko, e.
"Kaya people think na parang sobrang I can sing whatever. I can sing anything, sobrang flexible, sobrang mataas ang boses. Hindi, actually malakas lang talaga ang loob ko."
Inamin rin ng Songbird na may pagkakataon na nasisintunado siya.
"Meron naman," sabay tawa ni Regine. "Meron naman. Kaya lang kasi matalas din yung tenga ko so alam ko na nagkakamali ako, alam kong nagpa-flat ako, so binabawian ko agad."
BELTING EXPLAINED. Pero bakit nga ba birit? Doon siya nakilala and some people have an issue with birit...
"When I came out, no one was singing like that. Actually, e, wala akong ka-sound.
"Pero saktung-sakto, dumating si Whitney Houston, tapos dumating din si Mariah Carey, so saktung-sakto yung pasok ko. Ganun yung mga tipo ng songs na ginagawa ko," paliwanag ni Regine.
"Alam ko na may mga tao na hindi nila masyadong feel yung ganung klase ng pagkanta. Kaya ko rin namang kumanta nang hindi ako masyadong bumibirit.
"Actually lately, na-aral ko na ngang gawin yun kasi nga kahit ako, napapagod na rin ako na lagi akong bumibirit.
"Kaya lang pagka nasa stage ka na, hindi ko alam e, minsan kahit 'Bahay Kubo' yata ang kantahin ko, papahirapin ko," tumatawang rebelasyon ni Regine.
"Hindi, kasi nae-excite ako na yung parang pag mababa yung kanta ko, parang 'I'm bored,'" at muling tumawa ang Songbird.
Si Lea Salonga ang Pinoy icon na unang nakatuntong sa international music scene. Pero dito sa Pilipinas, si Regine ang music icon na umusbong.
Tinanong ni Jessica si Regine kung hindi ba siya nanghihinayang sa oportunidad na makilala rin abroad?
"I also tried naman, I went to the States, I met some people. But it's really not for me. Kasi that means ano e, parang starting from scratch.
"E, siyempre meron na akong nakasanayan na... kumbaga kahit papaano nakikilala na ako dito, hindi ko na kayang i-give-up iyon, plus my family is here."
MORE REVELATIONS. Aminado si Jessica na fan siya ni Regine, at ilan sa mga concerts ng Songbird ay pinanood ni Ms. Soho.
Kaya may ilang bagay na alam si Jessica tungkol Regine.
Isa rito ay ang pagtatanggal ni Regine ng sapatos habang nagku- concert.
"Oo! Ewan ko ba, mahilig ako sa mga sapatos na matataas."
Na tinatanggal nga niya...
"E, kasi ang sakit na ng paa ko, e. Parang alam mo yung pag may mga taong nakakakita sa akin, parang 'O okay ba yung lalamunan mo?'
"Actually, okay lalamunan ko, masakit sa akin yung paa ko!
"Kaya lagi akong umuupo, it's either umuupo ako or minsan nagagalit ako dun sa sapatos, ibinabato ko talaga."
Binanggit rin ni Jessica ang tungkol sa hindi pagsusuot ng bra ni Regine.
"Ay!" tumawa ang Songbird. "Ay, oh my God! E, kasi bata pa ako, hirap ako... ang hirap kayang huminga."
Lalo pa nga at singer siya?
"Oo, siguro yun kasi parang pag bumibirit ako siyempre lumalaki yung likod ko, di ba? Nahihirapan ako.
"Ikaw lang ang nagsabi niyan! Nahiya ako!" ang sabi ni Regine kay Jessica.
Diva ang nakagawian nang itawag sa mga sikat na mang-aawit na nakarating na sa mataas na estado.
Kapag nasa stage si Regine at pinapalakpakan ng maraming tao, ano ang nararamdaman niya?
"Umpisa kasi siyempre parang kinakabahan ka e, pero once nandun ka na, kumanta ka na ng isang linya, pinalakpakan ka na, wala na lahat yun.
"Kung meron ka mang dinadalang problema, kung feeling mo hindi ka masyadong kagandahan that night, wala na lahat yun."
Pero ano ang tingin niya sa sarili niya—who is Regine now? Ano ang mental picture niya sa kanyang sarili?
"Mabait akong anak! Importante iyon sa akin. Tsaka mabait akong kapatid. Iyong ibang mga bagay okay na sa akin.
"Hindi yun kasing importante nung pagkakakilala ko sa sarili ko na... naiiyak ako... na ang alam ko, mabuti naman akong tao," seryosong sinabi ni Regine na nangingilid ang mga luha.
At ngayon, ikakasal na siya matapos ang mahaba-habang panahong paghihintay; ang Songbird at ang Songwriter na si Ogie Alcasid, habang buhay nang magdu-duet.
"I'm so happy! One month na lang actually so... I really can't wait to start my life with Ogie."
At this point, isang rebelasyon ang inihayag ni Regine kay Jessica.
"Although meron akong tsismis sa 'yo. We've been living together. We've been living naman together so medyo hindi na ako nasa-shock sa pagkatao niya, medyo kilala ko na siya."
ASIA'S SONGBIRD SCORES 89 IN VIDEOKE. Diva kung diva, Songbird pa, pero sa videoke pala, ni minsan daw hindi pa naka-perfect score si Regine!
"Never akong nagiging 100, ha? Mind you, lagi lang akong 88, 95. Oo, talaga."
Kaya niyaya ni Jessica si Regine sa isang videoke bar at pinakanta ito; ang kinanta ng Songbird ay ang awiting "Till My Heartache Ends." At ang score ni Regine? 89!
Nakipag-duet rin si Jessica kay Regine na matagal na raw na pangarap ng mahusay at multi-awarded broadcast journalist. Nag-duet sila ng "Dancing Queen" ng Abba.
Pagkatapos nilang kumanta, sinabi ni Jessica na 'Puwede na akong mamatay, puwede na akong mamatay! Naka-duet ko na si Regine!'
Na agad sinagot ng Songbird ng 'Huwag naman!'
Sa pagtatapos ng kanilang pagtatagpo, nagpasalamat si Jessica at sabay sabi na si Regine raw ay "ever so great, and ever so humble."
source!- Yahoo!/PEP
No comments:
Post a Comment